Claudine, Sunshine, Alfred, Christian, The Company, Daryl, Marlo, at Martin pakikinangin ang 38th Star Awards for Movies sa July 16 sa Manila Hotel
Handang-handa na ang The Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC) para sa 38th Star Awards for Movies na gaganapin ngayong Linggo, July 16, 2023 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Magsisilbing hosts ng awards night ang bigating mga bituin na sina Claudine Barretto, Sunshine Cruz, Quezon City Councilor Alfred Vargas, at Christian Bautista.
Mas pakikinangin pa ang gabi ng parangal sa natatanging pagtatanghal na gagawin ng The Company, Daryl Ong, Marlo Mortel, at ng Concert King na si Martin Nievera.
Nakipag-sanib-pwersa ngayong taon ang PMPC sa Gutierez Celebrities & Media Production na pinamumunuan ni MJ Gutierez para sa paghahatid ng modern Filipiniana theme ng naturang awards night. Si Frank Lloyd Mamaril ang direktor ng gabi ng parangal.
Ang awards night ay pamumunan ng kasalukuyang Pangulo ng PMPC na si Fernan de Guzman bilang overall chairman kasama ang 2023 PMPC officers at board of directors. Ang kasalukuyang Vice President na si Mell Navarro ang tumatayong chairman ng 38th Star Awards for Movies katuwang ang PMPC Asst. Treasurer na si Lourdes Fabian bilang co-chairman.
Pangungunahan ng dalawang industry icons ang mga pararangalan ngayong taon - ang veteran actress na si Helen Gamboa para sa Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award, at ang award-winning master director na si Chito Roño para sa Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award.

Comments
Post a Comment