Dwayne Garcia di lang mahusay kumanta... magaling ding umarte!


Bukod sa mahusay na mang aawit mula sa Star Music artist at 17th PMPC Star Awards for Music Best New Male Recording Artist of the Year na si Dwayne Garcia ay pinasok na rin nito ang pag arte sa pelikula.

Inaasahang magsisilbing malaking hakbang ang prestihiyosong pagkilalang ito upang lalo pang mapalawak ang kanyang karera sa musika. Sa mga darating na panahon, mas marami pang kanta ni Dwayne ang mapapakinggan sa mga himpilan ng radyo at iba't ibang digital music streaming platforms.

Kasunod ng tagumpay na ito, ipinagmamalaki rin ni Dwayne ang kanyang pinakabagong pelikula na #Uploading, kung saan makakasama niya ang mga dating housemate ng sikat na reality show na Pinoy Big Brother na sina Zeus Collins, Dawn Chang, Aljon Mendoza, Eliza Borromeo, at Dylan Yturalde. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsama-sama ang mga artistang ito sa isang proyekto sa pelikula.

Nagtataglay ang #Uploading ng makabuluhan at napapanahong kuwento na tumatalakay sa mga pangarap, pagsubok, at realidad ng buhay sa makabagong panahon.

Mas lalo pang pinagtitibay ang pelikula sa paglahok ng mga batikang artista at personalidad tulad nina Irma Adlawan, Dennis Padilla, Arlene Muhlach, at social media personality na si Bernie Batin, na mas kilala bilang ang "pinakasungit na tindero sa social media."

Higit pa sa isang karaniwang drama, ang #Uploading ay isang kuwentong sumasalamin sa pag-asa, determinasyon, at katatagan ng mga taong nagsisikap maabot ang kanilang mga pangarap sa kabila ng iba't ibang hamon ng buhay. Layunin nitong magbigay-inspirasyon at maghatid ng mahahalagang aral sa mga manonood, lalo na sa kabataan. Nakatakdang ipalabas ang pelikula sa iba't ibang paaralan at piling sinehan sa buong bansa.

Ang #Uploading ang kauna-unahang pelikulang handog ng Red Concept Events Management Services, isang kumpanyang nagsisimula nang magbigay ng makabuluhang ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino. Ito ay idinirehe ng award-winning filmmaker na si Joven Tan, na kamakailan ay ginawaran bilang Joe Quirino Awardee sa 9th The EDDYS (Entertainment Editors' Choice) bilang pagkilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa pelikulang Pilipino.

Sa husay ng mga bumubuo nito, napapanahong kuwento, at mahusay na direksiyon, inaasahang ang #Uploading ay magiging isa sa mga pelikulang hindi lamang magbibigay-aliw sa mga manonood, kundi mag-iiwan din ng makabuluhang mensahe at pangmatagalang inspirasyon.


Comments

Popular posts from this blog

2026 Mapa Blue Falcon Awardees, pararangalan sa 2026 V. Mapa High School Grand Alumni Homecoming!

Kpop CCSS Ladies Generation nasa Bansa !

Mamay Closes 2025 with Landmarks Achievements in Public Service and Entertainment